Tumanggap nitong nakaraang linggo ng tig anim na libong pisong tulong pinansyal ang 598 na college scholars ng Pamahalaang Bayan ng Bagac para sa ikalawang semestre ng nakaraang SY 2021 – 2022.
Ayon kay Municipal Administrator Nick Ancheta, ang programang Bagac scholars ay inisyatibo nina Mayor Ramil del Rosario, Vice Mayor Ron del Rosario at mga kasama sa Sangguniang Bayan ng Bagac.
Nagsimula ang magkakapatid na del Rosario na tumulong sa pagpapaaral sa 30 mahihirap na estudyante sa kanilang bayan noong taong 2007.
Kung kaya’t nang malagay sa pwesto si Mayor Ramil noong 2010 ay ninais niya na mas marami pa ang matulungan kung kaya’t hinikayat niya ang Sangguniang Bayan ng Bagac na malagyan ng badyet ang kanilang scholarship program.
Dagdag pa ni Ancheta, hanggang sa ngayon ay ipinagpapatuloy pa rin ni Engr. Ronnie del Rosario ang pagpapaaral sa 10 poor but deserving students, at kada matatapos ang mga ito ay kumukuha siyang muli ng 10 estudyante upang tulungan.
Kung susumahin umano ang kabuuang bilang ng mga naging scholars ng del Rosario family at ng Yunit Pamahalaang Lokal ng Bagac ay aabot ito sa mahigit-kumulang sa 12 libo.
The post Scholars ng Bagac umabot na sa 12 libo appeared first on 1Bataan.