Hindi naging hadlang ang malakas na ulan kahapon, ika-5 ng Oktubre, para hindi matuloy ang pagbubukas ng Trade Fair, Kainan sa Gedli at Birit Barangay, na mga nakalinyang kasayahan para sa darating na fiesta ng Pilar.
Ayon kay Mayor Charlie Pizarro, hindi na nila nakuha pang magkaroon ng pormal na programa para sa pagbubukas ng mga ito dahil sa malakas na ulan. Gayunpaman, natuwa siya dahil marami sa kanyang mga kababayan ang nakilahok dito.
Nasa 24 na stalls ang kasali sa trade fair at kainan sa gedli ayon kay Municipal Tourism Head Jeneva Cruz, kung saan 14 dito ay mga pagkain o kainan tulad ng lechon at ce cream samantalang 10 naman ay mga produktong agrikultural ng mga kooperatiba sa bayan ng Pilar ang paninda tulad ng mga halaman, gulay at prutas.
Ayon naman kay DTI Provincial Director Eileen Ocampo, kasama ang iba pang mga judges, na maaga pa lang umano ay nagsagawa na sila ng assessment ng lahat ng kasali sa trade fair at kainan sa gedli, ngunit ihahayag umano nila ang mga nanalo sa huling araw ng trade fair.
Para sa kasayahan sa gabi ng araw ding iyon, sinabi ni Vice Mayor Ces na gaganapin ang kanilang birit barangay, kung saan ay isang kinatawan kada barangay, ang kalahok sa singing contest. Marami pa sila umanong nakalinyang mga masasayang gawain hanggang sa pagsapit ng kapistahan ng kanilang bayan.
The post Trade Fair, Kainan sa Gedli at Birit Barangay, binuksan sa Pilar appeared first on 1Bataan.