Magiging kaaya-aya para sa lahat lalo na sa mga taga-Bataan ang pagkakaroon ng malaking mall sa Mariveles, gayun din ang magkahiwalay na terminal para sa mga jeepney at bus.
Ganito inilarawan ni Bataan Gov. Albert Garcia ang magiging anyo ng FAB Central Terminal sa groundbreaking ceremony nito noong ika-7 ng Abril, 2022 sa anim na ektaryang lupain sa mismong sentro ng Freeport Area of Bataan.
Sinabi ni Atty. Christopher Ryan Tan, chief executive officer ng Hausland Group, na sa umpisa pa lang ay maglalaan ang kompanya ng P100 milyon sa pagsasaayos ng lugar.
Mayroon umanong tatlong bahagi ang pagtatayo ng nasabing central terminal.
Inilahad naman ni Wilfredo Tan, presidente at chairman ng Hausland Group, na napamahal na sa kanya ang Bataan at sa katunayan, itinuturing na ng mayamang negosyante na isa na siyang Bataeño.
Pinasalamatan ng mag-amang Tan ang mga opisyal ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) at si Gobernador Garcia sa tulong para maitayo ang negosyo na natitiyak nilang isang malaking proyekto sa lalawigan.
Ang naturang lupain ay uupahan ng kompanya sa loob ng 25 taon at maaaring magkaroon ng panibagong kontrata sa loob uli ng susunod na 25 taon.
Umaabot sa P138 bilyon ang magiging puhunan para makumpleto ang buong terminal complex.
The post Transport group unang makikinabang sa FAB Central Terminal appeared first on 1Bataan.