Pinangunahan ni Congresswoman Maria Angela “Gila” Garcia ng Ikatlong Distrito ng Bataan ang paglulunsad ng proyektong “Trash to CashBack” sa kanyang distrito nitong Biyernes, Agosto 11, upang mabawasan ang problema sa basura.
Kasama sa bagong distrito ang mga bayan ng Dinalupihan, Mariveles, Bagac, at Morong. Sa AG Llamas Elementary School sa bayan ng Mariveles ipinaliwanag ni Rep. Garcia sa isang news briefing kasama ang Bataan media practitioners ang 5R’s sa waste management – Refuse, Reduce, Reuse, Repurpose at Recycle – matapos subukan ang mga kalahok at bisita sa kanilang kaalaman sa pagkilala sa mga basurang hindi nabubulok at nabubulok.
Lahat ay nakapasa sa pagsusulit nang may “flying colors” at bawat isa ay nakatanggap ng simpleng token. Pinangunahan din ng kongresista ang pagbigkas ng lahat ng “Brigada Eskwela 2023, Mariveles Bayanihan para sa Matatag na Paaralan.” Inilarawan ni Rep. Garcia ang AG Llamas Elementary School, isang pampublikong paaralan, bilang napakaayos, malinis at may mga batang mag-aaral, magulang at guro na may matatamis na ngiti, na nagpapakita na ang mga guro at magulang ay nagtutulungan. “Ito ay umpisa ng ating Brigada Eskwela na kung anuman ang mapag-usapan ngayon, inaasahan natin na sa susunod na linggo, sa formal launching ng Brigada Eskwela sa bawat paaralan ito ay ibababa natin,” aniya.
“Inilunsad natin ang ating Trash to CashBack project sa tulong ng ating mga estudyante, ng paaralan, ng pamayanan, ng mga guro at mga tahanan kung saan ang mga estudyante nakatira ay magse-segregate ng kanilang basura,” dagdag ni Garcia. Hiningi rin niya ang opinyon ng mga kalahok kung bakit nananatiling problema ang basura sa kabila ng pagkakaroon ng mga tagapulot ng basura sa barangay at munisipyo.
“Sino ba ang gumagawa ng basura? Tayo pong lahat ang dahilan kung bakit may basura. Maraming iba-ibang negative impact ng basura dito sa ating bayan kaya naman mayroon tayong Trash to CashBack project. Kung tayo ang dahilan kung bakit may basura, tayo rin po ang sagot noon para hindi natin maranasan ang negative impact ng basura lalo na ang susunod na henerasyon.”
Sinabi ni Garcia na isang pirbadong kumpanya na kilala bilang BEST (Basic Environmental System Technology) ang kukuha sa mga nakolektang basura para i-recycle. Ipinaliwanag niya ang mekanismo ng proyekto at ang mga benepisyong makukuha: “Iipunin ang mga basura na bibigyan natin ng environmental points. Nagtalaga tayo ng mga eco-warriors sa ating mga paaralan, sa mga barangay para pagkatapos ng apat na linggo, lilikumin natin lahat ng bagay na may katapat na points. Bibigyan ng card at ng point system ang bawat paaralan na ang bawat point ay isang piso at ito ay magagamit sa pagbili ng mga gamit na kailangan natin sa ating paaralan.”
“Kapag nagawa natin ito, hindi lamang lilinis ang ating kapaligiran, mawawalan tayo ng sakit na sanhi ng dumi ng ating kapaligiran, mawalan ng basurang nakabara sa kanal. Hopefully, hindi na bababaw ang mga kanal kung umuulan at siyempre ang ating hangin ay sariwa at magbibigay ng magandang kalusugan sa ating lahat.” “Bukod dito, may points tayo para makatulong at maging sustainable ang programang ito. So, lahat ng basurang ating ginagawa hindi na natin itatapon sa ating mga landfill. Ito ay dadalhin natin sa mga partner at private companies na ire-recycle ito at hopefully mababawasan ang footprint ng basura sa ating mga bayan at bansa.”
The post ‘Trash to CashBack’ project inilunsad sa Bataan appeared first on 1Bataan.