Isang ₱4.135-bilyong multi-modal logistics at transport hub ang nakatakdang itayo sa Subic Bay Freeport matapos lagdaan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at Subic Bay Freeport Grain Terminal Services, Inc. (SBFGTSI) ang mga kasunduang may kaugnayan sa proyekto.
Pinangunahan nina SBMA Senior Deputy Administrator for Business and Investment Renato Lee III at SBFGTSI Executive Vice President Lester C. Valdes ang pagpirma sa lease contracts at amendment sa kasalukuyang kontrata noong Mayo 28, 2025 sa SBMA Corporate Boardroom.
Ayon kay Lee, isasama sa konstruksyon ng nasabing hub ang ilang bahagi ng San Bernardino Road sa loob ng Subic Port District at mga bahagi rin ng Subic Bay International Airport (SBIA). Layunin ng proyekto na pag-ibayuhin ang konektividad sa pagitan ng daungan at paliparan ng Freeport zone.
Ang kabuuang halagang ₱4.135 bilyon ay hahatiin sa iba’t ibang bahagi ng proyekto: ₱660 milyon para sa Lot 4, ₱1.8 bilyon sa Lot 5, ₱801 milyon sa Lot 6, ₱20 milyon sa Lot 7, at ₱854 milyon para sa Lot 8. Ilan sa mga pasilidad na itatayo ay petroleum tank farm, grain storage, logistics hub sa paliparan, mga imbakan, cold storage, commercial at hospitality hub para sa mga cruise ship, at bagong daungan para sa ultra-large cruise ships.
Inaasahan na makalilikha ang proyekto ng trabaho para sa 798 manggagawa. Ayon kay Lee, ito ay isang malaking hakbang patungo sa modernisasyon ng mga pasilidad sa himpapawid at pantalan ng Subic, na inaasahang magpapataas ng kapasidad, kakayahang makipagsabayan, at kita ng Freeport. Dagdag pa ni SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose Aliño, ang proyektong ito ay tugma sa Luzon Economic Corridor (LEC) initiative ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at bahagi ng “Build Better More” infrastructure program ng administrasyon.
The post ₱4.135-B transport hub, itatayo sa Subic Freeport appeared first on 1Bataan.