Sa isang panayam kay Mun. Administrator, Engr. Ernesto Vergara, sinabi nitong, milyun-milyong piso ang natitipid ng bayan ng Abucay sa hindi pagtatapon ng basura sa Metro Clark Waste Management Corporation dahil sa ipinagawa umano ni Mayor Liberato “Pambato” Santiago na modernong Material Recovery Facility (MRF).
Ayon kay Engr. Vergara, maliit lamang ang income ng bayan ng Abucay, na kung gagastusin pa nila sa pagtatapon ng basura sa Metro Clark ay halos wala na umanong matitira pang pondo para sa iba nilang programa kung kaya’t naisip ni Mayor Santiago na magpagawa ng isang modernong MRF. Mula 2016 ay operational na ang kanilang MRF na may 21 empleyado.
Nakaipon na umano sila ng 80 bundles na tig-50 kilos na mga recyclables gaya ng plastic na gagawing monobloc chairs. Sisimulan sa 2022 ang operasyon ng equipment na pangtunaw ng plastic na galing sa DENR – EMB Central office.
Samantalang ang mga biowaste na galing sa mga households, na nag-a-average ng 200 liters o 18-20 drums kada araw ay ginagawa nilang compost para sa mga magsasaka at naghahalaman.
Simula umano noong 2016 hanggang ngayon ay hindi na sila nagtatapon pa sa Metro Clark.
The post Abucay, milyong piso natitipid dahil sa MRF appeared first on 1Bataan.