Isang araw na training-seminar para sa mga nagpapatupad ng batas-trapiko ang idinaos ng Mariveles LGU sa Crisvi Resort upang higit pang pagyamanin at paigtingin ang kaalaman ng mga nagsasagawa nito sa nasabing bayan.
Pinangunahan ni Mayor AJ Concepcion ang nasabing gawain kasama ang Public Safety Office sa pamumuno ni OIC- PSO Jaypee Jalos sa pakikipagtulungan ng PNP sa pangunguna ni PLtCol Joselito Orias, Ilan sa mga tinalakay ay ang mga batas trapiko gayundin mga ordinansang ipinatutupad sa bayan ng Mariveles.
Sa kanyang mensahe sinabi ni Mayor AJ Concepcion na kinakailangan ang sapat na kaalaman at karanasan sa maayos na implementasyon ng mga batas-trapiko, hindi lamang para magkaroon ng disiplina ang mga tao, makaiwas sa panganib at mapangalagaan ang buhay ng bawat Mariveleño.
Samantala, ayon naman sa mga miembro ng Public Safety Office, naging mas magaan ang pagsasaayos nila ng trapiko sa loob ng bayan ng Mariveles simula nang maging operational na ang FAB Terminal, na noong una’y galit at tutol ang mga tao dito dahil sa dagdag na pasahe. Sa kalaunan ay napagtanto nila na mas mabilis silang nakauuwi o nakapupunta sa kanilang destinasyon dahil sa maluwag na trapiko dahil napakalaking kabawasan ang hindi na pagpasok ng mga bus at mga jeepney sa loob ng bayan.
The post Batas-trapiko pinaigting sa Mariveles appeared first on 1Bataan.