Sa kanyang pagbabalik mula sa dinaluhang outbound mission sa Korea kasama ang mga gobernador ng 7 probinsya sa Central Luzon sa pamumuno ni Tarlac Governor Susan Yap bilang pangulo ng Central Luzon Growth Corridor Foundation at siya bilang pangalawang pangulo, sinabi ni Gov. Joet Garcia na marami siyang natutunan na pwedeng gawin sa ating lalawigan.
Ang higit na tumawag ng kanyang pansin ay ang maraming mamumuhunan na talagang gusto siyang makausap partikular na tungkol sa enerhiya, na marahil ayon kay Gov. Joet ay dahil sa problema ng Pilipinas sa mataas na presyo ng kuryente.
Marami umano ang nagtangka na ipaliwanag ang mga paraan ng pagkuha ng enerhiya, gaya ng hydro, buoyancy, solar at ang tila panghihikayat na muling buksan ang Bataan Nuclear Power Plant.
Subali’t matatag ang posisyon, ni Gov. Joet na, hindi tayo magde develop ng anumang pagkukunan ng enerhiya hangga’t walang magandang solusyon at hopefully renewables ang ating gagamitin.
Sa isyu ng BNPP, malinaw na sinabi ni Gov. Joet na, baka may mas maganda o better use ang nuclear plant, na ayon pa sa kanya yong aspetong high tech, yong cloud computing data center.
Ipinaliwanag ni Gov. Joet na ang mga server sa data center, para tumakbo nang maayos kailangan nito ng effective na cooling system, dahil kung mapapansin ninyo sa inyong mga computer o kahit sa cellphone, pwedeng mag-shutdown kapag matagal na naka-on. Sinabi pa niya na sa sukat na 200 hectares na compound ng BNPP pwedeng pwede ito na maging IT HUB.
Imagine umano ang revenues na papasok sa lalawigan at maging sa bansa gayundin ang mage-generate na trabaho nito kapag ginawang IT HUB with Cloud Computing facility ang Bataan Nuclear Power Plant.
The post Better use of BNPP, Gov. Joet’s deeper concern appeared first on 1Bataan.