Itinaon sa pagdiriwang ng Araw ng mga Katutubo na ginanap sa Sitio Kanawan, Brgy. Binaritan, Morong ang pamamahagi ng Philippine Statistics Authority (PSA) ng 1st batch ng mga birth certificates .
Ayon kay G. Francisco Corpuz, Chief Statistical Specialist sa Bataan na patuloy umano silang bababa sa Sitio Kanawan para mag-rehistro pa ng mga katutubo para sa kanilang mga birth certificates gayundin sa susunod nilang schedule ay kasama nila ang kanilang team para ipamahagi naman ang mga natapos na paper copy ng kanilang National ID.
Higit na naging masaya ang pagdiriwang ng Araw ng Katutubo na ayon kay Mayor Cynthia Estanislao ng bayan ng Morong, na patuloy ang kanilang pangangalaga sa mga karapatan, kultura at pagkakakilanlan ng mga katutubo sa ilalin ng batas na R A 8371 Indigenous People Rep. Act. (IPRA).
Sinabi din ni Mayor Estanislao na isinusulong niya kasama ng DePed sa Sitio Kanawan ang pag aaral ng mga batang katutubo ng Magbukun dialect upang mapanatili umano nila ang kanilang tradisyon. Ayon kay Mr. Leo Domingo, Principal ng Kanawan Elementary School, na maglalaan sila ng 30 minuto araw-araw para sa mga bata sa pag aaral ng Magbukun dialect.
Ibinalita din ni Mayor Cynthia, na naisumite na ang mga dokumento sa DAR para maisakatuparan ang matagal na nilang pangarap na malaking tulay na magdurugtong sa BTPI at Sitio Kanawan na makadaraan na ang mga sasakyan, para maitawid na nila ang kanilang mga produkto, na hindi na manganganib at mahihirapang dumaan sa dalisdis ng bundok at hanging bridge at ito’y matutupad na sa taong 2025.
Ipinahayag din ni Mayor Estanislao na magkakaroon na sila ng isang 18- seater service van na magagamit nila sa mahahalagang lakad lalo kapag may emergency sa kanilang komunidad.
Naging makulay ang pagdiriwang ng Araw ng Katutubo na nagkaroon ng mga pagtatanghal ng mga sayaw kasama ang mga panauhin at raffle prizes na dala ng grupo ni Mayor Estanislao.
The post Birth certificates ipinamahagi sa mga katutubo appeared first on 1Bataan.