Nakolekta na ng Bureau of Internal Revenue o BIR Bataan Revenue District Office (RDO-20) ang collection target na P3 bilyon para sa taong 2022. Ito ang kinumpirma ni BIR Bataan Administrative Department Head Gemo Espinosa sa naging panayam sa programang Morning Connections sa Poweradio 104.5 FM nitong Huwebes.
Nakamit ang target collection, ayon kay Espinosa, nitong katatapos na buwan ng Oktubre ng kasalukuyang taon. Aniya, pinakamalaking contributor sa kanilang monthly tax collection ay ang mga withholding taxes na ibinabayad sa kanila o inireremit sa BIR ng mga taxpayers.
Kasama rin sa nakadagdag ng tax collection ang revision ng zonal valuation sa one-time taxpayer. “Nakadagdag po ito dahil yung mga nagpapa-compute po ng mga transfers, mga donations, at capital gain taxes. Lumaki po yung value ng lupa kaya tumaas po ang aming koleksyon,” dagdag pa ni Espinosa.
Isang nakitang dahilan ng pagtaas ng value ng lupa sa Bataan ay ang napipintong pagsisimula ng konstruksyon ng Bataan-Cavite Interlink Bridge na magsisimula sa taong 2023 at matatapos sa loob ng lima at kalahating taon.
The post Collection target ng BIR Bataan, nakamit! appeared first on 1Bataan.