Sa pagdalaw ni Vice-President and DepEd Secretary Sara Duterte sa bayan ng Dinalupihan para sa National School Opening Day Program, na may temang “Kapit-bisig para sa mas Ligtas na Balik-aral”, sinabi ni Gob. Joet Garcia na dalawang buwan nilang pinaghandaan, kasama ang mga magulang, guro, mag-aaral at iba pang stakeholders ang pagbubukas ng klase.
Dagdag pa ni Gob. Joet na, ginawa nila ang lahat nang makakaya upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa bawat silid-aralan sa buong lalawigan. Bukod sa sinisikap ng pamahalaan na ang lahat ay mabakunahan, sinabi rin ni Gob. Joet na ang bawat paaralan ay itinalaga din upang maturuan ang ating mga kabataan tungkol sa pagkakaroon ng healthy lifestyle.
Sinabi din ng masipag na gobernador na sinimulan na ang “Fiber to Home Education Internet” sa pakikipagtulungan sa mga TELCO, na magbibigay nang libreng internet connection sa tahanan ng mga mag-aaral sa senior high school. Ang bayan ng Dinalupihan ang gagawing pilot area para dito dahil ang mga senior high school students ng Dinalupihan ang 100% na nabigyan na ng tablets, at gumagamit ng learning management system, konektado sa internet.
Sisimulan na rin ang pagpapatupad ng Educhild Parenting Program sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong probinsya, na magbibigay sa mga magulang ng dagdag na kaalaman sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.
The post Dinalupihan, pilot area ng Fiber to Home Education Internet appeared first on 1Bataan.