Nagkaloob ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng dalawang garbage trucks sa pamahalaang bayan ng Dinalupihan. Ang proyektong nagkakahalaga ng P5 milyon ay pinondohan sa ilalim ng 2022 Seal of Good Local Governance Incentive Fund (SGLGIF), na ibinigay sa lokal na pamahalaan (LGU) dahil sa pagpasa nito sa 2022 Seal of Good Local Governance (SGLG) Assessment.
Sinabi ni Lee Allen Pineda, OIC-Chief ng Capability Development Division ng DILG Regional Office III, na ang pagkakaloob ay nagtatakda sa Dinalupihan bilang ika-18 LGU na matagumpay na nakumpleto ang SGLGIF project sa buong bansa. Ang tagumpay ng pagkakatapos ng proyekto ay hindi lamang para sa kadahilanang ito kundi patunay na karapat-dapat ang LGU sa SGLG. “Ang proyektong ito ay maglilingkod sa layunin nitong mapalakas ang tugon ng LGU sa pamamahala ng solid waste sa komunidad,” dagdag ni Pineda.
Samantala, binigyang-diin ni Belina Herman, Provincial Director ng DILG Bataan, na ang tagumpay ng proyekto ay tiyak na makakatulong sa pagtupad ng AmBisyon Natin 2040, na naglalayong magkaroon ng “Matatag, Maginhawa, at Panatag na Pamumuhay para sa Lahat ng mga Pilipino.” “Sa Bataan, hindi tayo puwedeng mag-settle sa kahit anong mas mababa pa sa mahusay na serbisyo publiko,” dagdag niya. Sa kanyang bahagi, sinabi ni Mayor German M. Santos Jr. na lubos silang nagpapasalamat sa suporta at tulong ng DILG para sa katuparan ng proyekto. Nagpahayag din siya ng pag-asa na mas marami pang SGLG passers sa lalawigan ng Bataan ngayong taon. Ang SGLGIF, na dating kilala bilang Performance Challenge Fund, ay isang insentibo na ibinibigay sa anyo ng pinansyal na grant sa mga karapat-dapat na LGU sa ilalim ng Local Governance Performance Management Program.
The post Dinalupihan, tumanggap ng dalawang bagong garbage trucks appeared first on 1Bataan.