Matagal nang bahagi ng kultura sa Gitnang Luzon ang fermentation, mula sa mga tradisyunal na pagkain gaya ng burong isda hanggang sa mga bagong produkto tulad ng fruit wine at suka. Ngayon, sa pamamagitan ng Grassroots Innovation for Inclusive Development (GRIND) program ng Department of Science and Technology (DOST) Region 3, binibigyang suporta ang mga lokal na inobasyon na gumagamit ng fermentation upang lumikha ng mga produktong may mataas na halaga sa merkado.
Sa mga lalawigan ng Pampanga at Nueva Ecija, tampok ang burong isda na hindi lamang pagkain kundi simbolo ng kultura. Sa bayan ng Sto. Domingo, ginagawang kabuhayan ng mga miyembro ng Hope Rural Improvement Club ang paggawa ng buro. Sa tulong ng GRIND program, ang mga kababaihang tulad nila ay nabibigyan ng pagkakataong paunlarin ang produkto habang pinananatili ang tradisyon.
Samantala sa Tarlac, ginamit ng BUSILAK-RIC women’s group sa Moncada ang labis na ani ng kamote upang makagawa ng Sweet Potato Wine. Kasabay nito, lumalago rin ang produksyon ng chips at iba pang pagkaing fermented. Sa Aurora at iba pang bahagi ng rehiyon, ginagamit ang fermentation sa paggawa ng suka, prutas na preserve, at alak mula sa mga lokal na ani.
Pati sa mga baybaying lugar, nakikitang kabuhayan ang fermentation. Sa Malolos, Bulacan, ginagawang heko ang natitirang hipon, habang sa Samal, Bataan, pinapanday pa rin ang tradisyunal na paggawa ng tsokolate mula sa fermented na cacao beans.
Sa tulong ng GRIND program, ang mga ganitong kaalaman ay hindi na lamang pamana ng nakaraan, kundi ginagawang pundasyon ng inobasyon at pangmatagalang kabuhayan.
The post Fermentation sa Gitnang Luzon, Itinatampok ng DOST GRIND Program appeared first on 1Bataan.