Umapela si Bataan 2nd District Rep. Jose Enrique “Joet” Garcia III na irekunsidera muna ng pamahalaan ang nakatakdang implementasyon ng Mandanas-Garcia Ruling sa 2022.
Sa privilege speech ni Garcia sa plenaryo, inihayag niya na taliwas sa orihinal na layunin ang pagpapatupad ng Mandanas-Garcia ruling.
Iginiit nito na ang Mandanas-Garcia ruling ay hindi tungkol sa devolution o delegasyon ng kapangyarihan ng national government sa mga LGUs.
Paliwanag ni Garcia, ang ruling ay patungkol sa pagbibigay ng “just share” o karampatang bahagi ng buwis sa mga LGUs mula sa national taxes para sa mas pinalawak na otonomiya at kapasidad sa sariling pamamahala.
Nilinaw naman ng mambabatas na hindi siya tutol sa “full-devolution” dahil ang polisiyang ito ay nakatakda naman na sa Konstitusyon at sa Local Government Code.
Ayon pa sa kongresista, nababahala lamang aniya siya sa “timing” sa pagtutulak ng polisiya at sa rason ng pagpapatupad nito.
Nanawagan din si Congressman Joet Garcia sa Pangulo na repasuhin muna ang planong devolution upang maihanda ang mga local government units sa dagdag na responsibilidad gayundin ay maitugma muna sa layunin ng Mandanas-Garcia ruling ang budget ng mga LGUs sa ilalim ng 2022 national budget.
The post Implementasyon ng Mandanas-Garcia ruling, ipinarerekunsidera appeared first on 1Bataan.