Binisita ni Spanish Ambassador to the Philippines Miguel Ultray Delgado ang Subic Bay Freeport nitong nagdaang Miyerkoles, Mayo 22, upang hikayatin ang mas maraming kumpanyang Espanyol na mamuhunan sa naturang economic zone. Malugod siyang tinanggap ng mga opisyal ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na pinamunuan ni Chairman at Administrator Eduardo Jose L. Aliño, kasama ang ilang kinatawan mula sa Embahada ng Espanya at ang CEO ng kumpanyang Metalyset.
Sa isinagawang presentasyon ng SBMA sa pangunguna nina BID Manager Karen Magno at SDA Ronnie Yambao, pinuri ni Ambassador Delgado ang potensyal ng Subic Bay bilang pangunahing logistics at trade hub sa Southeast Asia. Ibinahagi rin niya na kabilang ang Subic sa mga pinakamahusay na Economic Zones sa mundo batay sa White Paper study ng kumpanyang IDOM at ng World Free and Special Economic Zones Federation (FEMOZA).
Sinabi ni Delgado na maraming kumpanyang Espanyol mula sa iba’t ibang sektor ang nagpapakita ng interes sa Subic, at layunin nilang palawakin pa ang presensya ng mga ito sa mga susunod na taon. Ipinahayag naman ni Chairman Aliño ang pasasalamat sa patuloy na suporta ng pamahalaang Espanyol, partikular sa mga larangan ng renewable energy, sustainable tourism, at maritime education.
The post Mga kumpanyang Espanyol, hinikayat na mamuhunan sa Subic Freeport appeared first on 1Bataan.