Ibinahagi ni Mayor Antonio Joseph “Jopet” Inton ang mga programang pangkaunlaran ng Pamahalaang Bayan ng Hermosa.
Sa panayam ng Network Briefing News, sinabi ng Alkalde na malaking bahagi sa pag-unlad ng munisipalidad ang Hermosa Economic Zone kung saan ang pangunahing produktong kanilang inaangkat ay wiring harness para sa mga sasakyan.
Aniya, dahil sa mas pinalawak na batas ukol sa pagpapatupad ng mga freeport area sa lalawigan, sinisimulan na rin ang pagpapatayo ng Freeport Area of Bataan sa bayan ng Hermosa kung saan iminumungkahi ang konstruksyon ng mga logistic hub at mga manufacturing companies na inaasahang makapagbibigay ng mas maraming trabaho at kita.
Kasabay nito ay ibinahagi rin ni Inton ang kasalukuyang proyekto ng bayan na binansagang Mega Build Project na itibuturing na pinakamalaking proyekto sa kasaysayan ng Hermosa na layuning mas mapabilis ang koneksyon ng mga economic zone sa pag-angkat ng mga produkto.
Ang hangad aniya dito ay maidugtong ang mga ecozones sa isa’t-isa pati mga logistics, paliparan at daungan.
Isa rin sa mga bagong proyekto ng bayan ang sisterhood agreement nito sa lungsod ng Mandaluyong na nagbigay oportunidad sa pagbebenta ng mga produkto ng Hermosa gaya ng bigas, alimango at sugpo.
Nakatulong din aniya ang Mandaluyong sa Hermosa sa pagkalinga sa mga batang may down syndrome at iba pang proyektong pangkalusugan.
Nagbigay din ang Mandaluyong ng humigit kumulang na limang libong bakuna kontra COVID-19.
The post Mga programang pangkaunlaran ng Hermosa, ibinahagi appeared first on 1Bataan.