Nakatakda na sa Sabado, ika-5 ng Agosto ang paglulunsad ng Paleng-QR sa bayan ng Limay, na bahagi ng Bisita Bayan ng Pamahalaang Lalawigan na kung ilang beses na ring naipagpaliban dahil sa masamang panahon dala ng mga bagyo.
Kasabay ng paglulunsad ng Paleng-QR ang pagdaraos ng Trade Fair sa Limay Public Market kung saan ay lalahok ang mga SME’s, mga kooperatiba at maging mga magsasaka ng nasabing bayan para ma-promote ang kanilang mga produkto at paninda.
Mahalagang bagay din ang paglahok ng Piso Caravan ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Regional Office 3 sa Paleng-QR, kung saan ang mga mamamayan ay magkakaroon ng pagkakataon na ipalit ang kanilang mga perang papel na luma at sira na ng mga bagong peso bills sa iba’t ibang denominasyon.
Ayon sa Provincial Cooperative Enterprise and Development Office (PCEDO), ang Paleng- QR ay mahalagang inisyatibo ng Bisita Bayan ng Pamahalaang Lalawigan sa pangunguna ni Gov. Joet Garcia para i-promote ang digital payment o cashless transaction sa ating mga tindera at mamimili sa palengke na ang transaction natin sa pagbabayad ay sa pamamagitan na lamang ng gcash o pay maya at hindi na kailangan ang cash na bukod sa mabilis ay safe pa. Ito na ang ika-pitong paglulunsad ng Paleng-QR ng bisita bayan sa ating Lalawigan.
The post Paleng-QR sa Limay, ilulunsad na appeared first on 1Bataan.