Sa mga unang araw na pag upo sa posisyon ay agad na binigyan ng prayoridad ni Mayor Ace Jello Concepcion ng bayan ng Mariveles, ang programang pangkalusugan.
Sinabi ni Mayor Concepcion na mayroon pang COVID kung kaya’t nais niya na bigyan ng malawakang pagtutok sa iba’t ibang aspeto ng kalusugan ang kanyang mga kababayang Mariveleño, kung kaya’t agad ay pinulong niya ang kanyang Municipal Health Officer na si Dr. Gerald Sebastian.
Ilan sa kanilang mga pinag-usapan ay ang pagbuo ng mga bagong miyembro ng Local Health Board na makatutulong nila para magsagawa ng mga pangunahing pag-aaral at pagbalangkas ng mga alituntunin, programa at proyekto upang higit pang matututukan ang kalusugan ng mga mamamayan ng Mariveles.
Nais rin ni Mayor Concepcion na magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa mga ospital sa bayan ng Mariveles tulad ng Mariveles District Hospital, Mariveles Mental Wellness and Gen. Hospital at maging Maheseco para alamin kung papaano magkakaroon nang mas maayos na accessibility ang bawat pamilyang mahirap sa serbisyong medikal lalo na sa mga emergency cases.
Kasama rin sa nasabing pulong ang Municipal Sanitation Officer, na si G. Jett Dantay na kanyang inatasan na inspeksyunin ang bawat tanggapan hindi lamang sa Pamahalaang Bayan kundi lahat ng mga establisimyento sa buong bayan ng Mariveles at alamin kung ang mga ito ay sumusunod sa mga sanitary rules dahil ito ay may kaugnayan pa rin sa kalusugan ng mga mamamayan.
The post Programang pangkalusugan, tinutukan ni Mayor AJ Concepcion appeared first on 1Bataan.