Sampung yunit pamahalaang lokal sa Gitnang Luzon ang nanguna sa buong bansa sa pagkumpleto ng kanilang 2024 Seal of Good Local Governance Incentive Fund (SGLGIF) projects, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ito na ang ikatlong sunod na taon na kabilang ang rehiyon sa Top 10 sa buong bansa, patunay ng tuluy-tuloy na pagsusumikap nito para sa tapat, makabago, at makataong pamamahala.
Ayon kay DILG Regional Director Anthony Nuyda, nagpapakita ito ng kahusayan ng mga LGU sa Gitnang Luzon sa paggamit ng pondo ng gobyerno para sa mga proyektong tunay na kapaki-pakinabang sa mga mamamayan. “Ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa adbokasiya ng DILG Central Luzon na ‘Tres The Best’, na naisakatuparan sa pamamagitan ng dedikasyon ng mga LGU na gawing konkreto ang pondo para sa kabutihan ng kanilang komunidad,” ani Nuyda.
Nanguna ang Apalit, Pampanga sa listahan matapos ang Phase 2 ng street lighting project sa kanilang government complex. Sumunod ang Bagac, Bataan sa ikalawang pwesto matapos maglagay ng solar street lights sa Barangay Banawang, habang ikatlo ang Santa Maria, Bulacan para sa kaparehong proyekto sa Barangay San Jose Patag. Kabilang din sa Top 5 ang Paombong, Bulacan (ultrasound machine procurement) at Minalin, Pampanga (solar street lights).
Pumasok din sa Top 10 ang San Marcelino, Zambales (mobile patrol vehicle); Pilar, Bataan (CCTV system sa pamilihang bayan); Moncada, Tarlac (local access road); San Felipe, Zambales (vermicomposting facility); at Gabaldon, Nueva Ecija (solar street lights). Ang SGLG at SGLGIF ay programa ng DILG na layong kilalanin at gantimpalaan ang mga LGU na nagpapatupad ng mahusay, tapat, at makabuluhang pamamahala.
The post 10 LGU sa Gitnang Luzon, unang nakatapos ng 2024 SGLG projects appeared first on 1Bataan.