Umabot sa 2,867 minimum wage earners sa Subic Bay Freeport Zone ang nakinabang sa programang “Benteng Bigas, Meron Na!” kung saan nakabili sila ng bigas sa halagang P20 kada kilo. Layunin ng inisyatibo na gawing mas abot-kaya ang pangunahing bilihin at maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga pagkain.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga empleyado ng Sanyo Denki Philippines Inc. at mga service providers nito. Isinagawa ang pamamahagi sa loob ng Subic Techno Park, Boton Area, kung saan personal na nakabili ng bigas ang bawat manggagawa sa subsidized na presyo.
Pinangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang aktibidad. Ayon kay DOLE Zambales Senior Labor and Employment Officer Arvin Fabian, mahalaga ang ganitong programa upang direktang masuportahan ang mga manggagawang mababa ang kita.
Itinampok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang ika-4 na State of the Nation Address (SONA) ang matagumpay na pagpapatupad ng P20 na bigas sa iba’t ibang panig ng bansa. Aniya, nakalaan na ang P113 bilyon para palakasin ang agrikultura at palawakin pa ang distribusyon ng murang bigas sa pamamagitan ng KADIWA centers katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
The post 2,867 manggagawa sa Subic Freeport, nakabili ng P20 na bigas appeared first on 1Bataan.