Nanawagan ang Land Bank of the Philippines (LandBank) sa mga negosyo na samantalahin ang Community Assistance and Reintegration Support (CARES) Plus lending program nito.
Layunin ng programa na matulungan ang mga lokal na negosyo, kabilang ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs), kooperatiba, at korporasyon, na makabangon mula sa mga hamong dulot ng ekonomiya o natural na kalamidad.
Ayon kay Alvin Dioscoro De Leon, Lending Center Head ng LandBank Pampanga, maaaring gamitin ng mga kwalipikadong negosyo ang mga pautang para sa working capital, pagbili ng kagamitan, pagpapalawak ng negosyo, o recovery efforts. Puwede ring mag-loan ang mga electric distribution utilities upang magpatuloy sa pagbibigay ng serbisyo nang hindi nagdudulot ng biglaang pagtaas ng singil sa kuryente.
Hanggang 80 porsyento ng kabuuang gastos ng proyekto ang maaaring i-loan ng mga negosyo. Ang mga electric distribution utilities naman ay maaaring mag-loan para sa kanilang short-term working capital. Sinisiguro ng LandBank na naaayon ang halaga ng pautang sa kakayahan ng borrower na magbayad sa pamamagitan ng masusing pagsusuri sa mga dokumento, site visits, at pag-aaral ng cashflow.
Ang CARES Plus lending program ay may pitong porsyentong interest rate kada taon at maaaring bayaran sa loob ng lima hanggang sampung taon. Kailangan ding magbukas ng LandBank account ang mga interesadong mag-loan para doon ilalabas ang pondo. Sa tulong ng LandBank Data On-Boarding System (DOBs), mas madali na ang pagbubukas ng account online.
Hinikayat ni De Leon ang publiko na bisitahin ang pinakamalapit na LandBank lending center para sa aplikasyon at pagpasa ng requirements. Aniya, may dalawang taon mula sa deklarasyon ng kalamidad ang mga borrower upang mag-avail ng programa. Tiniyak din ng LandBank na sapat ang pondo nito upang tulungan ang mga negosyo na makabangon, kasabay ng babala laban sa mga scam na naglalayong kunin ang sensitibong impormasyon ng mga kliyente.
The post LandBank nanawagan para sa CARES Plus Lending Program appeared first on 1Bataan.