Nagkaisa ang mga kinatawan ng Gitnang Luzon upang harapin ang lumalalang epekto ng climate change at matinding pagbaha sa kanilang mga distrito, kabilang ang lalawigan ng Bataan.
Pormal na inilunsad noong ika-8 ng Hulyo ang Central Luzon Climate Change and Flood Coalition sa isang konsultasyong pulong sa Imelda Aguado Street, Malacañang, Maynila.
Pinangunahan ni Pampanga 4th District Representative at Central Luzon Bloc President Dr. Anna York Bondoc ang inisyatibong ito, na agad namang sinuportahan nina Bataan Second District Representative Abet Garcia, Cong. Linabelle Villarica ng Meycauayan at Obando, Cong. Agay Cruz, at Cong. Danny Domingo ng Calumpit, Hagonoy, Malolos, at Paombong. Ayon kay Bondoc, “Ang aming mga distrito ay nakaharap sa Manila Bay at araw-araw na nakararanas ng pagtaas ng tubig at pagbaha kahit wala pang ulan.”
Binigyang-diin ng mga mambabatas na matagal nang problemado ang mga baybaying bayan sa Bataan at iba pang probinsya sa rehiyon gaya ng Pampanga, Bulacan, Zambales, at Nueva Ecija dahil sa high tide flooding, land subsidence, at kawalan ng maayos na drainage systems. Layon ng koalisyon na pagsama-samahin ang mga ahensya ng gobyerno upang makabuo ng komprehensibong plano at makakalap ng pondo para sa pangmatagalang solusyon.
Nagpasalamat din ang mga kongresista kay House Speaker Martin Romualdez sa kanyang pangakong suportahan ang kanilang adhikain sa pamamagitan ng karampatang pondo. Kasama sa pulong ang mga miyembro ng Central Luzon Bloc kabilang sin Bataan First District Representative Antonino Roman III, Bataan 3rd District Representative Maria Angela Garcia, at ilang mambabatas mula sa Southern Tagalog tulad ng Cavite, Laguna, at Batangas—mga lugar na kapwa rin apektado ng pagbaha dulot ng climate change.
The post Mga mambabatas ng Gitnang Luzon, bumuo ng koalisyon appeared first on 1Bataan.